Thursday, March 11, 2010

Balik-Tanaw

Balik-Tanaw
by madshock

Isa ka ba sa naliligaw ng landas?

Bangayan dito... Tirahan doon... Siraan at mga paratangan kahit walang basehan. Bantaan. Hatakan na walang katapusan. Matanong lang kita, ano ba ang magagawa mo para mai-angat ang Hiphop sa Pilipinas? Ano na ba ang mga nagawa mong kontribusyon para mo masabing nakatulong ka? Paano mo nasabing isa kang makata? Ano ba ang layunin mo at humawak ka ng mikropono? Ano ba ang pangarap mo bilang isang manunulat? Isa ka ba sa mga naligaw ng landas?

Halika at tayo ay magbalik-tanaw kaibigan.

Natatandaan mo pa ba nuong nagsisimula ka pa lang na mangarap humawak ng mikropono? Naaalala mo ba na may mga iniidolo at hinahangaan ka noon na nagbigay sa 'yo ng inspirasyon upang mag-rap ka din? Naaalala mo pa ba yon? Ang mga naiisip mong isulat ay puro may mensahe, may laman, may katuturan, may lalim, galing sa puso, punong puno ng pangarap at layunin na sana ay mapakinggan ka din nila. Madinig din nila at patugtugin din nila ang mga likhang awit mo. Naglakas-loob ka din na subukan ang husay mo sa pagpapamalas na iyong kakayahan sa larangan ng pagra-rap. Ngunit bakit nalihis ka ng daan, lumiko ka ba sa bandang kaliwa? Ibang daan na ang iyong tinatahak, madilim, masukal, hindi mo na alam ang iyong landas na nilalakaran. Hindi mo na alam kung saan ka pupunta. Kaibigan, naligaw ka na.

Nasubukan mo bang tanungin ang iyong sarili?
Nasubukan mo bang magbalik-tanaw? Ikaw pa ba ang iyong sarili? Kilala mo pa ba ang iyong sarili? Sino ka na ngayon? Nasaan na ang mga pangarap mo? Malapit ka na bang maabot ang mga ito? Malapit ka na bang magtagumpay? May nakita kang liwanag ngunit ikaw ay nasilaw. Nakikita mo ang ningning nito ngunit hindi ka makakita. Kaibigan baka nabulag ka na. Dati ang kilala mong Diyos na makapangyarihan sa lahat ay nasa itaas, nasa langit. Naaalala mo pa ba noong medyo musmos ka pa lamang at pag nahihirapan ka sa mga problema mo e sya ang iyong nilalapitan? Tinatawag mo sya at kinakausap mo cya kahit ikaw ay nasa lansangan? Napagtanto mo pa nga na hindi lamang sa simbahan sya matatagpuan, na maaari mo din cyang tawagin kahit ikaw ay nasa lansangan at syang ginagawa mong lakas kapag nanghihina ka na at tila ba wala ng pag-asa. Naalala mo pa ba? Ano na ang nangyari sa iyo kaibigan, bakit hindi mo na sya kilala? Bakit ang kilala mong Diyos ngayon ay nasa lupa na? Hindi ka na napuputikan, hindi ka na naglalakad ng nakatapak. Ang mga paa mo ay hindi na sumasayad sa lupa. Nagkabagwis ka na ba? Saan ka patungo?

Dati rati magalang ka sa mga nakakatanda sa 'yo, malaki pa ang respeto mo noon sa mga mas nauna sa iyo sa larangan na ito, malaki ang respeto mo lalo sa mga magulang mo na kahit hindi mo minsan gustong sundin ang mga ipinag-uutos nila ay sumusunod ka? Kahit naghihirap kayo ay puno ka ng pangarap at balang araw ay mai-ahon mo sila sa kahirapan na matagal ng nagpapahirap sa inyong pamilya... marahil ay nananabik na sa iyo ang iyong mga magulang... nananabik na sila na bumalik ang dating ikaw. Marahil ay nakikita mo sila na minsan nakaupo sa may tapat ng bintana o kaya naman ay nakatingin sa langit na para bang may tinitingnan. Kaibigan naiisip mo ba ang mga ninanais nila ngayon na mas may isip ka na kaysa dati na bata ka pa lamang? Naiisip mo ba na baka hanggang ngayon ay nangangarap pa rin sila na sana ay mapabuti ka at makaahon sa hirap ang inyong pamilya? Naiisip mo ba na baka isa ka sa dahilan kung bakit sila nakaupo sa tapat ng bintana?

Naiisip mo ba na baka sila ay nagbabalik-tanaw?

Minsan ba ay napansin mong may ngiti sa kanilang mukha matapos nilang makita ka na kahit pabalang kang sumagot at puro reklamo na lamang ang mga nasasambit mo sa kanila ay nagagawa pa din nilang ngumiti? Marahil naalala nila ang dating ikaw. Ang dating ikaw na kanilang nginingitian sa kanilang pagbabalik-tanaw.

Magbalik tayo sa iyong palaging sinasabi na isa kang makata. Alam na alam mo ang mga bayani ng ating lipunan, ang mga kontribusyon nila sa larangan ng pakikibaka, pakikipaghimagsikan at pagsusulat ng mga akdang bumuhay ng mga natutulog na damdamin ng ating mga kababayan. Kabisado mo ang mga lugar na unang nag-aklas laban sa mga dayuhang mananakop na lagi mong nakikita sa walong sinag ng araw sa ating watawat. Kadalasan nga, nagsusuot ka pa ng mga damit na may mga sinag at tala. Naaalala mo pa ba? Makata ka na noong ikaw ay nangangarap pa lamang, ngunit bakit mo tinalikuran ang pagiging makata na iyon? Ano ba ang ibig sabihin sa iyo ng makata? Sumusulat ng malalim na tagalog? Nagsasalita ng tagalog? Nagra-rap ng tagalog? Nakikinig ka ba talaga sa mga sinasabi ng mga inaakala mong makatang iniidolo mo ngayon? Ano ba ang sinasabi nila sa mga sinusulat nila? Ano ba ang pagkakaalam mo sa makata o sinasabi mo lang na makata ka dahil sinasabi din nila na makata din sila? Alam mo ba talaga ang sinasabi mo? Alam mo ba talaga ang pinaniniwalaan mo? Isinasapuso mo ba ang pagkamakata na iyong pinaniniwalaan?

Dati rati humahanga ka sa mga may lalim na susulatin, sa mga mas may kabuluhan na akda at sa mga napapakinggan mong salamin ng katotohanang umiikot sa larangan na kinabibilangan mo ngayon. Ngunit kaibigan, bakit napariwara ka na? Nabulag ka ba ng pagka-makata mo? O dahil iba na ang ibig sabihin ng makata sa iyo? napansin mo ba? Maraming humahanga sa iyo, maraming pumapalakpak at sumusubaybay sa iyo lalo na kapag nanunungayaw ka sa mga likha mong kanta, kapag sinisiraan mo ang kapwa mo sa harap ng iba, kapag binibaboy mo ang kanyang pagkatao kahit hindi mo naman alam kung ano ang kasalanan nya sa iyo at kahit alam mong wala siyang ginawang pagkakamali sa iyo at kung ano ang masamang bagay na ginawa nya sa kapwa nya. Natutuwa ka kapag nadadapa siya, kapag palagi siyang nagkakamali, kapag pinagtatawanan sya ng mga nakikinig sa awit mo. Tuwang tuwa ka sa panglalait at pangungutya mo. Nagagalak ka kapag kinukutya siya ng iba. Tuwang tuwa ka dahil ikaw ay isa sa dahilan kung bakit tinatapakan siya, dinuduran at hinahamak. Ginawa mong libangan ang pambabato ng putik sa mukha ng iba, ang paninirang puri sa pagkatao niya. Bakit ka natutuwa na nagkakaganyan siya? Natutuwa ka ba dahil ikaw ang dahilan? Natutuwa ka ba dahil isa ka din sa dahilan. Napansin mo din ba na habang nakatingin siya sa iyo khit walang luha sa kanyang mga mata ay umiiyak siya. Napapailing siya. Napansin mo ba? Naaawa siya. Naaawa siya sa iyo. Naaawa siya dahil napariwara ka na. Naaawa siya dahil nawala na ang iyong pagkatao. Nabulag ka na, nabingi at naging mababaw ka na... Nasubukan mo na ba na tumingin sa dating landas na gusto mong lakaran? Nasubukan mo bang balikan ang dati mong mga pangarap? Nasubukan mo na bang magbalik-tanaw?

No comments: